Thursday, September 27, 2012

Biti-

Coke na walang
Bula. Ligong walang
Sabon. Tanghaliang
Walang kanin. Apoy
Na malamig. Kotseng
Walang gas. Joke
Na walang banat.
Bagoong na
walang alat.

Biti-

Sunday, September 23, 2012

Salita ng Taon 2012: Wang-wang

Noong Biyernes, Setyembre 21, 2012 ay naparoon ako sa Leong Hall sa Ateneo de Manila University upang masaksihan ang pagtanghal sa Wang-wang bilang panibagong salita ng taon.

At dahil na-cover naman ng matino ng nakatalang media ang kaganapan na ito, hindi ko na sasabihin ng direkta ang mga natunghayan ko (kaunti lang naman ang inabot ko). Narito ang iba pang mga artikulo sa internet tungkol dito

http://www.gmanetwork.com/news/story/275155/lifestyle/literature/and-the-word-of-the-year-is-wang-wang

At sa mga nagtataka kung paano sumali rito, bisitahin lamang ang website:

http://www.sawikaan.net/salita_ng_taon.html

Wednesday, September 19, 2012

Ako ang daigdig


Ako ang daigdig ni Alejandro G. Abadilla

I
ako
ang daigdig
ako
ang tula
ako
ang daigdig
ang tula
ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig
ako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig

II
ako
ang daigdig ng tula
ako
ang tula ng daigdig
ako
ang malayang ako
matapat sa sarili
sa aking daigdig
ng tula
ako
ang tula
sa daigdig
ako
ang daigdig
ng tula
ako

III
ako
ang damdaming
malaya
ako
ang larawang
buhay
ako
ang buhay
na walang hanggan
ako
ang damdamin
ang larawan
ang buhay
damdamin
larawan
buhay
tula
ako

IV
ako
ang daigdig
sa tula
ako
ang daigdig
ng tula
ako
ang daigdig
ako
ang tula
daigdig
tula
ako

Thursday, September 13, 2012

Sa Lata ng Sardinas

Unang araw ng klase at ayoko pa naman sanang mahuli. Umalis ako ng 6:00 AM para sa 8:00 AM na klase ko. Maraming tricycle palabas ng aming village at hindi trapik papunta sa sakayan ng jeep o FX. At dahil ubod ng haba ang pila sa FX, minabuti ko na lamang sumakay ng jeep. Pero sana pala hindi na lang.

Parang lata ng sardinas na gumugulong sa Commonwealth Avenue ang jeep na nasakyan ko. Itodo man ng drayber ang bulusok ng makina hanggang malagong ulap-ulan na ang hithitin ng tambutso eh makikita sa labas na tila umaatras pa rin ang sasakyan sa sobrang kabagalan. Pinatungan pa ng mabigat na trapik sa ginagawang kalsada at wisikan pa ng ulan ay siguradong nabuo ang araw ko.

Ngunit may balyena pa sa lata ng sardinas. Isang babaeng may kaunting edad na at may matabang katawan, lalo na ang hita, ang aking katabi. Kung umupo ay laging tagilid at walang ginawa kundi tumingin sa labas. Hindi nag-aabot ng bayad; hindi umaayos ng upo; wala! Walang paki, walang reaction.

Ang balyenang ito ang pangunahing dahilan ng pagdurusa ko sa tila habambuhay na paglalakbay ko sa lata ng sardinas. Ang tuhod ng balyenang ito ay walang ikinaiba sa kutsilyong nakabaon sa aking hita. Ilang beses na akong umaayos ng upo para man lang mapansin niya na nahihirapan ako, ngunit hindi pa rin kumikibo ang balyena. Hindi ko mawari kung sadyang nakadilat ang balyena kapag natutulog, hindi marunong makiramdam, o manhid lang talaga ito.

Hinayaan ko na lang. Sadyang may mga taong makasarili at ang magagawa ko ay hindi maging isa sa kanila. Sapagkat sa huli, sardinas man o balyena, iisang lata lamang naman ang aming ginugulungan.

Sunday, September 9, 2012

Pangarap sa Dilim

Isang malamig na gabi habang naglalakad pauwi sa aming lugar nang masilayan ko ang magnanay: isang batang mapayat na mga apat o limang taong gulang at isang nanay din na kung titingnan ay kasinpayat lamang din ng kaniyang anak. Nahiya na akong pagmasdan pa sila sa ilalim ng dilaw na ilaw ng poste ng kanilang katapat na kapitbahay.

Wala silang ilaw. Hindi ko ito agad napansin ni napag-isipan lamang; nalaman ko lang ito nang sabihin sa akin ng aking ama. Palibhasa'y ako'y hindi palalabas ng bahay, at kung lalabas ma'y may pasok sa kolehiyo o may pakay sa ibang lunan; kahit saan basta't hindi sa aming lugar. Dahil dito, hindi ko gaano kilala ang aming mga kapitbahay at lalo naman itong mag-inang ito na dalawang kanto pa ang layo mula sa amin.

Hindi ko alam ang pakiramdam ng mabuhay sa literal na dilim gabi-gabi, dahil ako ay ipinanganak sa liwanag: literal na liwanag. Ilang segundo bago magtanghaling tapat nang ako'y iluwal mula sa sinapupunan ng aking ina noong ika-6 ng Mayo labingwalong taon na ring nakalilipas. Ako'y panganay ng isang buo na pamilya. Masunurin, mabait, matalino, o kung minsan pa'y henyo ang turing sa akin ng iba na hindi ko naman iniintindi, pinaniniwalaan, o iniinda. Marahil kung mas kilala nila ako ay hindi nila masasabi iyon.

Hindi nila ako kilala ng lubos ng marami nguni't mas lalo namang hindi ko kilala ang mag-inang nasa tapat ng poste ng kanilang kapitbahay. Nakaupo sila sa semento't grabang hagdan kung saan lumalapat ang kanilang luntiang gate, nagbabasa sa ilalim ng malamlam na dilaw na ilaw ng poste. Sa sandaling sumulyap ako sa kanilang mga mukha'y nakita ko ang kunot na noo ng nanay, ang mahigpit na hawak sa libro, ang matigas na pagpihit ng kaniyang hintuturo sa pahina ng aklat na kaniyang hawak, at ang asim sa mukha ng batang humahagulgol at nagmamakaawang, "Ayoko na..."

Hindi ko man sila kilala'y sa sandaling iyon ay naintindihan ko sila. Naintindihan ko kung bakit galit na galit ang nanay. Naintindihan ko kung bakit pasigaw siyang nagtuturo ng English sa kanyang anak. Naintindihan ko ang dahilan sa likod ng bawat hagulgol at bawat luhang umagos sa mata ng bata, Naintindihan ko sapagkat dumaan din ako rito.

Noong bata ako'y pinagagalitan din ako ni mama. Lumuluha din ako sa harap ng kaniyang flashcards at multiplication table na kailangan kong masagutan sa loob ng wala pang isang segundo. Kailangang napakabilis, palibhasa'y ako'y isang panlaban sa palahok na pinamamahalaan ng Mathematics Teachers Association of the Philippines o MTAP. Sumigaw din ako ng "Ayoko na", at sinagot din ako ni mama ng "Hindi!" Natawag din akong "tanga" habang nagngingittngit sa inis si mama.

Nguni't hindi palaging ganito sa amin. Hindi ko lamang alam sa magnanay na ito, pero ang sa amin ay ganito lamang ang eksena tuwing galit na galit si mama. Pero sa loob na loob niya'y hindi naman talaga ako "tanga", dahil naniniwala pa siyang kaya ko. Naniniwala siya dahil nasa akin ang kaniyang pangarap.

Marahil dito nga kami nagkaiba ng batang humahagulgol: hindi ako sumuko at hindi rin ako sinukuan ng aking ina. Sabihin na natin na hindi kami sumuko dahil halos taon-tao'y umaabot naman ako sa Sectoral Division, nananalo sa iba pang mga palahok at patuloy na "honor student." Pero kahit anong sabihin ay hindi pa rin kami sumuko. May mga nakita at kilalang tao na hindi naman uliran ang katayuan noong mga bata sila ngunit ngayo'y makikita ang kanilang pagsusumikap. Marahil kung sinukuan sila ng kanilang mga ina ay hindi sila nakatungtong ngayon sa the University of the Philippines Diliman (UP Diliman).

May mga kamag-anak akong nabalitaan kong hindi na kumuha ng entrance exam sa Philippine Science High School (Pisay) o sa UP Diliman dahil daw alam na nilang hindi papasa. Sobrang nakakadismaya. Eh ano kung magsayang ng isang araw? Eh ano kung sumubok? Eh ano kung bumagsak? Sa tingin ba nila'y "ok lang" ang ganoon? Ang nakita ko lang sa kanila ay hindi na sila nangangarap ng mataas. Gaano man kalaki ang possibilidad, kapag hindi sumubok ay nawawala lahat. Kung bubong ang pangarap, sa lupa babagsak. Kung langit ang pangarap, sa bubong babagsak.

Nalulungkot ako tuwing nakikita ko ang libu-libong mga anak ng liwanag na hindi na nagsusumikap sa buhay at pag-aaral. Hindi dahil may ilaw na sa inyong tahanan ay hindi na dapat kayo mangarap.

Nasasaktan ako tuwing nakikita ko ang mga magulang na pinag-uusapan ang anak nila na "bobo", "tanga", at "mahina ang ulo" na tila ba wala nang pag-asa. Hindi dahil walang ilaw sa inyong tahanan ay hindi na dapat kayo mangarap.

Mangarap ka, batang humahagulgol, dahil nasa'yo rin ang katuparan ng pangarap ng iyong ina.